Friday, February 11, 2011

ANG MGA ALAMAT

ALAMAT NG GUMAMELA

          Mahilig sa mga bulaklak si Mela. Sa katunayan, ang paligid ng bakuran nila ay punung-puno ng mga halamang namumulaklak. Siya ang nagtanim sa lahat ng iyon.

          Araw-araw, makikita ang napakaraming mga paru-paro, bubuyog at tutubi sa halamanan ni Mela. Katuwaan na ng mga bata at maging ng mga matatanda na panoorin ang mga iyon habang palipat-lipat sa pagdapo sa mga bulaklak.

          Dahil nalilibang sa paghahalaman, hindi napansin ni Mela na nagkakaedad na siya. Bagamat may mga manliligaw ay mas gusto pa niyang ibuhos ang panahon sa pag-paparami ng mga tanim kaysa usapin ng kanyang puso.

          Isang araw, may bakasyunistang naligaw sa halamanan ni Mela. Natuwa rin ito at naaliw sa maraming tutubi, mga paruparo at mga bubuyog na masayang nagliliparan sa mga bulaklak.

          Nakipagkilala si Rommel, ang binatang taga Maynila kay Mela. Mula noon, araw-araw nang pana-uhin ni Mela si Rommel. Ikinainggit ito ng ibang manliligaw ni mela. Isa na rito si Goyong, pinakamahigpit niyang mangingibig. Minsan ay hinarang ni Goyong si Rommel at pinagbantaan.

          Ipinagkibit-balikat lang ni Rommel ang banta. Nagpatuloy siya sa pag-dalaw kay Mela. Ang totoo ay natutuhan na niyang mahalin si Mela.

          Lalong nagalit si Goyong nang isang umaga ay makitang kasama ni Rommel si Mela galing sa pagsi-simba. Walang sabi-sabing inundayan nito ng saksak ang binata ngunit hindi nito inasahan ang ginawa ni Mela. Biglang iniharang ng dalaga ang katawan kaya siya ang tumanggap ng saksak na para kay Rommel.

          Agaw-buhay agad si Mela subalit bago nalagutan ng hininga ay inamin kay Rommel na mahal niya ito.

          Gayon na lang ang panggigi-puspos ni Rommel. Matapos ilibing ang dalaga sa gitna ng halamanan nito ay hindi na bumalik ng Maynila ang lalaki. Siya ang pumalit kay Mela sa pag-aalaga ng mga halaman nito. Nais niyang ipadama sa pamamagitan noon na mahal na mahal niya ang dalaga.

          Isang araw ay napansin ni Rommel ang pagtubo ng isang kakaibang uri ng halaman sa mismong puntod ni Mela. Nang lumaki iyon ay namulaklak ng kulay pula. Inisip ni Rommel na iyon ang paraan ng dalaga upang ipaalam ang kanyang pag-ibig sa binata. Ang bulaklak ay tinawag niyang Mela ngunit kalaunan ay naging gumamela.


ALAMAT NG ROSAS

           Noong unang panahon ay may isang magandang dalaga mula sa malayong bayan ng Tarlac na Rosa ang pangalan.

          Bukod sa iwing ganda ay nakilala rin si Rosa na gagawin ang lahat para mapatunayan ang tunay na pag-ibig.

          Ayon sa kuwento, nakatakda nang ikasal si Rosa kay Mario nang matuk-lasang may malubhang sakit ang lalaki. Sa kabila ng lahat ay pinili ng dalaga na pakasal sila para mapaglingkuran ang lalaki hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito.

          Gayunman ay hindi pumayag si Mario. Anang binata ay sapat na sa kanya na baunin ang pag-ibig ng dalaga sa kabilang buhay.

          Pinaglingkuran ni Rosa si Mario. Hindi siya umalis sa tabi nito. Ang ngiti niya ang nasisilayan ni Mario sa pagmulat ng mga mata nito at ang kanya ring mga ngiti ang baon nito sa pagtulog.

          Ang mga ngiti rin ni Rosa ang huling bagay na nasilayan ni Mario bago panawan ng hininga.

          Ang mga ngiti ni Rosa ay hindi napawi kahit nang ilibing si Mario at kahit nang dinadalaw ang puntod nito at pinagyayaman. Nang tanungin kung bakit hindi nawala ang ngiti sa mga labi ay ito ang sabi niya:

          “Alam kong nasaan man si Mario ay ako lang ang babaing kanyang minahal. At alam ko rin na maghi-hintay siya sa akin para magkasama kami na hindi na maghihiwalay pa.”

          Naging inspirasyon ng iba ang ipinakitang lalim ng katapatan at pagmamahal ni Rosa sa katipan.

          Bago namatay ay hiniling ni Rosa na sa tabi ng puntod ni Mario siya ilibing. Kakatwang may tumubong halaman sa kanyang puntod ay kayganda ng naging mga bulaklak.

          Tinawag nilang rosas ang mga iyon bilang alaala ng isang dalagang simbolo ng tunay na pag-ibig.


ALAMAT NG SUHA

Ayon sa matandang alamat ay may isang mabait na batang Luningning ang pangalan at nakatira sa isang malayo ngunit masaganang bayan. Pinalaki si Luningning ng ama’t ina na maganda ang pagtingin sa buhay. Mabuti ang kanyang puso at mabuti rin ang asal.

Sa pagdaan ng panahon ay naging sagana ang kanilang ani. Naging maalwan ang kanilang kabuhayan at anumang maibigan ni Luningning ay naipagkakaloob ng mga magulang.

Hindi iyon sinamantala ng mabait na bata. Sa halip ay sinabi niya sa ama at ina na tulungan ang ibang batang mga kapuspalad. Dumating ang malaking pag-subok sa buhay ng pamilya ng isang gabi ay pasukin sila ng masasamang loob.

Nanlaban ang kanyang ama kaya nasaksak. Nang Makita ng kanyang ina ang ginawa sa asawa ay sinugod nito ang mga magnanakaw ngunit sinaksak din ang babae. Namatay ang mag-asawa nang gabi ring iyon. Hindi mapatid ang luha ng bata. Ang sabay na mawala ang ama at ina ay napakahirap na tanggapin. Subalit ano pa kaya kung naging saksi siya sa pagpatay sa mga ito?

Ang masayahing si Luningning ay lagi nang makikitang umiiyak. Walang sandali na hindi pumapatak ang kanyang luha. Ang magkatabing puntod ng mga magulang ay laging basa ng mga luha ng bata.

Awang-awa ang mga nakakakilala kay Luningning. Anila ay napa-kamusmos pa nito para maranasan ang gayong trahedya sa buhay.

Marami ang nagtangka na pasayahin siya ngunit nangabigo. Hanggang isang araw, nagtaka ang mga nakakakilala kay Luningning dahil bigla siyang naglaho. Noong una ay naging usapan ang pagkawala ni Luningning ngunit nang lumaon ay nalimutan na rin ito ng mga tao.

Samantala sa bakuran nina Luningning ay may tumutubong isang puno. Makaraan ang ilang panahon ay namunga iyon. Ang bunga ng puno ay kulay berde at hugis bilog o medyo bilog na parihaba.

Ilang bata ang nanguha ng bunga niyon para tikman. Nagtaka sila nang Makita ang laman ng prutas dahil tila maliliit na patak ng luha ang mga ito. Nang tikman nila ang prutas ay nasiyahan sila dahil matamis.

Tinawag nilang patak ng luha ang prutas ngunit may nagsuhestyon na luha na lamang ang ipangalan. Ang luha ay napalitan ng suha at hanggang ngayon ay kilala ito bilang suha.


ALAMAT NG KABAYO
 
          Noong araw, may mag-asawang Masaya at tahimik na namumuhay kahit walang anak. Sila sina Ayong at Karing. Kuntento na sila sa isa’t isa nang isang araw ay dumating sa kanila ang magandang sorpresa. Buntis si Karing! Nagpasalamat sa Diyos ang mag-asawa dahil biniyayaan sila na magkaroon ng anak.      “Ipinangangako kong gagawin ko ang lahat upang mapaligaya kayo ng magiging anak natin,” pangako ni Ayong. Ilang buwan makaraan ay isinilang ni Karing ang isang malusog na batang lalaki.

          Nag-iisang anak palibhasa, sinikap nina Ayong at Karing na maipag-kaloob sa anak ang lahat ng saya at masarap na buhay. Labis nila itong napalayaw kaya lumaking masama ang ugali. Palasagot ito at ayaw na nasasabihan. Kapag nakagalitan ang binatilyo ay agad naglalayas.

          Minsan ay hindi natiis ni Ayong ang ginawang pagsagot ng anak kay Karing kaya pinangaralan niya ang binatilyo. Nang araw ding iyon ay naglayas ito at napadpad sa paanan ng isang bundok. Isang matandang namumuhay sa paanan ng bundok ang nagma-gandang loob kaya nagkaroon ng matutuluyan ang binatilyo. Nang malaman ng matanda na naglayas siya ay pinayuhan siya nito. “Umuwi ka at humingi ng tawad sa mga magulang mo. Hindi mainam na nagtatanim ng galit sa ama mo’t ina, ang sabi ng matanda.

          Minasama iyon ng binata. Nagalit siya sa matanda at pinagsisipa ang bangkong inuupuan. “Wala kang pakialam sa buhay ko at lalong wala kang karapatang kagalitan ako!” paasik na sabi ng binatilyo. Marami pang masasakit na salitang binitiwan ng binatilyo na walang tigil sa kasisipa sa lahat ng abutan ng paa. Lingid sa kaalaman ng binata ay engkantado pala ang matanda. Sa nakitang masama niyang asal ay ginawa siya nitong hayop na may apat na paa na walang tigil kasisipa. Nang mapagod sa kasisipa ay napaiyak ang binatilyo ngunit haling-hing lang ang lumabas sa bibig niya. Huli na ang kanyang pagsisisi dahil hindi na makabalik sa dating anyo. Napilitan siyang umuwi sa magulang.

          Likas na mababait, kinupkop nina Ayong at Karing ang hayop na isang umaga ay ayaw nang umalis sa kanilang bakuran. Inalagaan nila ito na parang tao. Naging malaking tulong siya sa ama. Gumaan ang Gawain nito at bumilis ang kanilang pag-unlad.

          Binigyan siya ng pangalan ng mag-asawa. Mula sa Karing at Ayong ay tinawag siyang Kayong, ang pinagmulan ng salitang kabayo.


ALAMAT NG PAPAYA

          Si Payang ay anak ng isang mayamang mag-asawa mula sa Laguna. Ipinagkasundo siya ng ama’t ina sa anak na binata ng pinaka-mayamang angkan sa kanilang lalawigan.

          Lingid sa mga magulang ay may nobyo na ang dalaga. Ito si Pepe, isang magsasaka.

          Nagpasyang magtanan sina Pepe at Payang upang hindi mag-kahiwalay. Ngunit natuklasan iyon ng ama ni Payang at ipinahabol sa mga tauhan ang dalawa.

          Nang abutan sila ay ipinabugbog ng ama ni Payang si Pepe sa dalawang tauhan nito at iniwang duguan. Si Payang naman ay sapilitang iniuwi sa kanilang bahay at ikinulong sa sariling silid.

          Isang matanda ang nakatagpo kay Pepe. Sa pag-aaruga nito ay unti-unting bumalik ang lakas ng binata.

          Ngunit huli na. Nalaman ni Pepe na namatay si Payang sa lungkot at sama ng loob.

          Nagluksa ang binata at halos araw-gabing umiyak. Nang tuluyang gumaling si Pepe ay agad tinungo ang libingan ni Payang.

          Sa libingan ni Payang ay may nakita si Pepe na halamang tumubo malapit sa puntod. Tila nagbabantay ang halaman sa ulilang puntod ng dalaga.

          Inalagaan ni Pepe ang halaman hanggang mamulaklak at mamunga. Nang mahinog ang prutas nito ay kanyang tinikman. Nasarapan siya sa lasa nito. Naalala ni Pepe ang nobyang si Payang dahil sa punong iyon.

          Ang bunga ng puno ay tinawag niyang Payang. Nang lumaon ay naging papaya ang tawag dito ng mga tao.


ALAMAT NG SIBUYAS

          Ayon sa alamat, si Buyas ay anak ng manggagamot ng isang tribo na nakatira sa paanan ng bundok ng Sierra Madre. Maliit pang bata ay kapansin-pansin na ang pagiging sensitibo ni Buyas. Lalo siyang naging maramdamin nang isilang ang bunsong kapatid. Maganda ang kapatid kung ihahambing kay Buyas kaya agad napapansin ang kaibahan nila.

          Palibhasa ay marami ang nagpapagamot sa ama, kadalasan ay maraming tao sa kanilang kubo. Hindi maialis na mapansin ang mag-kapatid dahil maliit lang ang kubo at doon mismo nanggagamot ang kanilang ama.

          “Kayganda ng inyong bunso,” madalas ay sinasabi ng mga nag-pupunta roon.         “Maganda rin si Buyas,” madalas ay maririnig na wika ng kanyang ina.

          Ayaw na ayaw ni Buyas na maririnig ang gayong usapan. Agad na siyang pupunta sa likod ng kubo at doon uubusin ang oras hanggang maubos ang kanyang mga luha.

Nang magdalaga si Buyas ay umibig siya sa isang makisig na binata. Ang problema, ang bunso niyang kapatid ang gusto ng lalaki. Masakit na masakit sa loob ni Buyas tuwing aakyat ng ligaw ang binata sa kapatid. Ang gagawin niya ay magtatago sa kanilang likod-bahay at doon iiyak ang bigat ng damdamin.

          Alam ng kanyang ina ang nararamdaman ni Buyas ngunit wala itong magawa? Hindi nito mapanghi-himasukan ang puso ng binata. Isa pa ay paano naman ang damdamin ng bunsong anak? Ilang buwan pa ay isinama na ng binata ang mga magulang upang hingin ang kamay ng kapatid ni Buyas. Nais raw pakasal ng dalawa sa ikalawang pagbilog ng buwan. Labis na dinamdam ni Buyas ang kamatayan ng pag-ibig. Kinabukasan ay hindi na nakita si Buyas. Naglaho siyang tila bula. Sumapit at natapos ang araw ng kasal ng bunsong kapatid ay hindi na nakita si Buyas.

          Isang umaga, habang nagwa-walis sa likod-bahay ang ina ay napansin nito ang isang halamang tumubo roon. Nang bunutin iyon ng babae para itanim sa mas maayos na lugar ay nakita ang bilog nitong bunga. Natuklasan ng ina na maaaring ipanahog sa pagkain ang bunga. Pero higit sa lahat, natuklasan nitong nakapagpapaiyak ang bunga pag hinihiwa. Naalala tuloy ng ina ang anak na si Buyas. Pinangalanan nitong buyas ang bungang iyon. Ang buyas ay naging sibuyas makaraan ang maraming panahon.


ALAMAT NG KALABASA

          Si kuwala ay anak ni aling Disyang, isang mahirap na maggugulay. Maliit pa siyang bata nang mamatay ang ama at tanging ina ang nag-palaki sa kanya. Mabait si Kuwala. Maliit pa ay mahilig na siyang tumingin sa mga larawang nasa libro at nang matuto ay pagbabasa ang naging libangan.

          Basa siya ng basa. Walang oras na hindi siya nagbabasa. Binansagan tuloy siyang kuwalang basa nang basa.

          Matalino ang anak kaya nagsikap si Aling Disyang para matustusan ang anak. Si Kuwala naman ay higit na pinagbuti ang pag-aaral.

          Tag-ulan noon nang isang hapon ay umuwi si Kuwala na mataas na mataas ang lagnat. Inirireklamo niya ang mahirap na paglunok. Nagsuka rin siya nang nagsuka. Palibhasa ay walang pera, hindi agad nadala ni aling Disyang sa doctor ang anak. Nang masuri ito ng doctor ay malala na ang kondisyon.

          Paralytic poliomyelitis ang umatake sa mahinang resistensiya ni Kuwala. Naging mabilis ang pag-pasok nito sa katawan niya at agad siyang naparalisa. Ilang lingo makaraan ay binawian ng buhay ang kawawang bata.

          Hindi matanggap ni Aling Disyang ang sinapit ni Kuwala. Upang maibsan ang lungkot ay inubos niya ang panahon sa pag-aasikaso ng mga tanim na gulay.

          May kakaibang halamang tumubo at nagbunga sa pataniman ni Laing Disyang. Bilog ang bunga noon na kulay dilaw ang loob. Natuklasan ng mga kumain ng gulay na may bitamina itong nagpapalinaw ng mata.

          May isang nagtanong kung saan galling ang halamang iyon. Ang sabi ng tinanong ay kina Kuwalang basa nang basa. Nagpasalin-salin iyon sa maraming mga bibig hanggang kalaunan ay naging kalabasa.


ALAMAT NG JANITOR FISH

          Noong unang panahon ay may isang isda na napakaganda. Makinis at kumikinang ang kanyang mga kaliskis. Nakaaaliw pagmasdan ang mga palikpik niya at buntot kapag lumalangoy. Nagungusap ang mga mata niya kapag itinitig at manipis ang kanyang mga labi. Napakarami niyang tagahanga kung kaya naman naging mayabang siya. Wala siyang ginawa liban sa pagpapaganda.

          Lahat ng mga isda ay may kani-kaniyang Gawain sa ilalim ng dagat. Tanging ang magandang isda ang ayaw magtrabaho. Aniya ay masira ang kanyang mga kaliskis at mga palikpik.

          Nainis ang ibang mga isda. Anila ay nararapat lang na gawin ng bawat isa ang tungkulin nila. Nagkaisa sila na huwag linisin ang tirahan ng magandang isda.

          Nagkataong bumisita sa lugar nila ang Diyosa ng Karagatan. Malayo pa ay naamoy na ng diyosa ang mabahong mga dumi na naipon sa tapat ng bahay ng magandang isda. Nagalit ang diyosa dahil hindi ginampanan ng magandang isda ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa ilalim ng dagat.

          Nalaman din ng diyosa na dahil sa pagmamahal ng isda sa sariling ganda kung kaya ayaw na nitong magtrabaho.

Dahil doon ay pinarusahan ng diyosa ang magandang isda. Pina-pangit niya ang isda. Umitim at kumapal ang balat niya. Kumapal din ang kanyang nguso at tumigas ang kanyang katawan.

          “Inaatasan din kitang maging tagapaglinis ng buong karagatan!” ang wika ng diyosa. “Kapag sinuway mo ako ay kakamtin mo ang pinaka-mabigat kong parusa!”

          Mula noon, ang isda ang naging tagapaglinis ng mga isda. Kilala ang isdang ito bilang janitor fish.
 

ALAMAT NG ANAY

          Si Ranay ay isang matakaw na batang nakatira sa mahirap na bayan ng Sto. Cristo sa may norte. Bagamat naghihirap ay alaga siya ng ama’t ina sa masasarap na pagkain. Nag-iisa kasing anak si Ranay. Inakala nga noon ng mga magulang na hindi na magkakaanak dahil matanda na ang kanyang ina pero isinilang pa rin siya.

          Mahal na mahal ng ama’t ina si Ranay. Halos gawin na siyang prin-sesa ng mga ito. Ayaw siyang paga-wain sa bahay at sustentado siyang mabuti sa pagkain. Nakasanayan ni Ranay ang umasa dahil sa pagpa-layaw na tinatanggap.

          Lumaki si Ranay na ang trabaho ay kumain ay ang libangan ay kumain pa rin. Payat na payat na ang ama’t ina niya para matustusan ang kanyang pangangailangn. Si Ranay naman ay lalong nagkagana sa pagkain. Kahit ano ay masarap sa panlasa niya. Kanin, tinapay, ulam, prutas, karne, minatamis at kung anu-ano pa. Minsan, maging ang kakainin na lang ng mga magulang ay si Ranay pa ang kakain.

          Dumating ang hindi inaasahan ni Ranay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang ama at ina.

          Dahil ang alam lang ay kumain, hindi alam ni Ranay kung paano mabuhay na siya ang kikilos at magtatrabaho. Hindi nagtagal ay namayat siya at namatay.

          Matagal ng patay si Ranay nang isang araw ay mapansin ng dating kapitbahay na pabagsak ang kanilang bahay. Nang suriin nila ito ay nakita ang isang insektong kumakain ng kahoy.

          Naalala nila si Ranay. Marahil anila ay ito si Ranay. Tinawag nilang ranay ang insekto na katagalan ay naging anay.


ALAMAT NG DAIGDIG

          Ayon sa alamat, sina kalangitan at katubigan ay may dalawang anak. Sila ay sina Langit at Tubigan. Si Langit ang kinilalang diyosa ng kalawakan at si Tubigan ang diyos ng katubigan. Sina Tubigan at Langit ay nagpakasal. Dalawa rin ang kanilang naging mga anak. Sila ay sina Dagat at Paros. Si Dagat ang naging diyosa ng karagatan at si Paros ang naging diyos ng hangin.

          Lumaon ay nagpakasal din sina Paros at Dagat. Apat ang naging mga supling nina Dagat at Paros. Tatlo sa mga ito ang lalaki at nag-iisa ang babae. Ang panganay ay pinangalanan din nilang Dagat, isang makisig at malakas na lalaki. Sumunod sa kanya si Aldaw, isang masayahing lalaki na may katawang ginto. Kulay tanso ang katawan ng sumunod si Bulan ngunit mahina ang kanyang katawan. Ang tanging babae, si Bitoon, ay kulay pilak at may magandang tindig.

          Nang mamatay sina Paros at Dagat ay inalagaan nina Langit at Tubigan ang kanilang mga apo. Dahil patay na ang mga magulang ay naging ambisyoso si Dagat lalo pa at napunta sa kanya ang kapangyarihan sa hangin. Ibig niyang sakupin ang kaharian ng lolang si Langit. Napapapayag niya ang dalawang kapatid na sina Bulan at Aldaw na sumama sa kanya. Pinakawalan ni Dagat ang hangin upang puwersahang mabuksan ang kaharian ni Langit. Sinira niya ito kasama sina Bulan at Aldaw.

          Sa galit ni Langit ay nagpakawala siya ng tatlong kidlat laban sa suwail niyang apo. Agad na natunaw sina Bulan at Aldaw. Si Dagat naman ay nahulog sa ibaba. Sa kasamaang palad ay tinamaan din ng kidlat si Bitoon kung kaya nagkapirapiraso. Pinagbintangan ni Langit ang asawang si Tubigan. Aniya ay ito ang nag-utos upang salakayin siya ng kanilang mga apo. Itinanggi iyon ni Tubigan. Nagkasamaan sila ng loob ngunit napawi rin lalo at napatunayan ni Langit na walang kinalaman si Tubigan sa ginawa ng mga apo.

          Nagpasya ang mag-asawa na pagkalooban na lang ng liwanag ang kanilang mga apo dahil hindi na rin nila mabubuo pa ang katawan ng mga ito na winasak ng mga kidlat. Si Dagat ang ginawa nilang lupain. Si Bulan ay ginawa nilang buwan. Si Aldaw ang naging araw at si Bitoon ang naging mga bituin.

          Ayon sa alamat ay sa ganitong paraan nabuo ang daigdig.



Source: Reading Materials, Encoded Job, Student Project

No comments: